Ako yung tao na hindi mahilig sa Beach. Aside from the fact na natutuyo ang mahaba at alon-alon kong buhok, ayoko rin ng masyadong mainit.
Ako yung taon na ayaw magmotor. Aside from delikado siya, ayoko ng naalikabukan sa mukha.
Ako yung tao na ayaw ng camping. Bukod sa walang CR na matino, wala rin namang magawang maganda.
Well, noon yun.
Nitong March 19th to 21st, 2011, sinubukan kong pumunta kasama ang mga kaibigan ko sa Nagsasa Cove, ang lesser known brother ng Tent City na Anawangin. Oo mas malayo, pero shocks, Mas malaki, mas maganda ang backdrop, at higit sa lahat, mas kaunti ang tao. Sarap magpatumbling-tumbling at tumili ng walang may paki-alam. Higit sa lahat, wala ako paki-alam kung walang CR, o mainit, o maalikabok. Natanggal lahat ng paki ko ng marating ko ang Nagsasa.
Nagmotor lang kami, from Makati to Pundakit, at sinasabi ko sa inyo, huwag gayahin, dahil nakamamatay. Umalis kami ng alas-dos ng hapon at narating ang Pundakit ng alas-ocho. Nandun na rin lang, eh di binangka na namin kahit alas-nueve ng gabi. Bahala na si Lord. Wala kaming makita kundi liwanag ng buwan at higanteng anino ng mga bundok sa dilim. Yung malakas na alon, kasama ng Tsunami Advisory, ipinaubaya na namin sa tadhana. Kung lulubog man ang banca nung gabing yun, sayang naman ang DSLR ko. Mamatay na ako, huwag lang siya.
At ayun, dumating naman kami ng matiwasay. Alas-diez ng gabi, gutom, puyat, at pagod, dali-dali na kaming nag-set ng camp at nagluto ng makakain.
And the rest, as they say, ay isang napakagandang history.